#TheHeartTruth: Ano ang Pag-ibig?

Love Series 1Pag-ibig – ito na yata ang pinakasikat at pinakapaboriting paksa ng mga kanta, libro, at iba’t-ibang obra. Ito rin ‘yung madalas na dahilan ng mga tao kung bakit sila sumasaya, nalulungkot, nagsusumikap at umaasa. Kapag may hugot o nakababaliw na emosyon, mataas ang posibilidad na dahil ito sa pag-ibig. Kapag sobrang ligaya at ang daming inspirasyon, tiyak dahil rin yan sa pag-ibig. Pero kahit ganito ang pag-ibig, nakakalito at mahirap ipaliwanag, ito ‘yung biyaheng hindi natin pinapalampas nakakahilo man at minsan di mo alam ang patutunguhan. Masaya kasi. Gusto mo. Masarap kasing magmahal.

Photo entry 1Ayon sa Facebook post ni Pastor Erwin Balanay, “Ang magmahal at mahalin ay isang napakagandang karanasan na pwedeng mangyari sa isang tao. Eh bakit maraming umiiyak sa pagmamahal?” Tinalakay niya sa #TheHeartTruth series ng Victory ngayong Pebrero ang ilan sa mga problema kung bakit maraming umiiyak sa pagmamahal. Ito ang ilan sa mga nabanggit niya:

  1. Mahal mo pero may iba na siyang mahal

Bakit ba kasi ginugusto pa natin ‘yung pag-aari na ng iba? Di ba nung bata tayo, tinuruan naman na tayo wag kukuha ng hindi atin? Kung mahal ka niya, ikaw dapat ang pinili at patuloy na pipiliin niya.

  1. Iniwan ka

May mga pagkakataon na iiwan tayo ng mahal natin para ikabubuti natin. Pero iba kapag iniwan nila tayo dahil sa sarili nilang kapakanan. Hindi mo deserve ang tao na ipinagpapalit ka. Sapat ka at karapat-dapat ingatan.

  1. Di ka pinapansin (o pwede ring friendzoned ka)

May mga bagay at tao na magiging atin sa tamang panahon. Mangyayari ang dapat mangyari. Wag mong ikulong ang sarili mo sa iisang posibilidad dahil baka di mo makuha yung nakatakda para sayo.

  1. Mas mahal niya ang sarili niya

Ang dahilan kung bakit maraming problema ang mundo ay nauuna ang sarili sa iba. Bakit di mo baguhin ‘yung ganung sistema?

Sa kabuuan, ang dahilan kung bakit umiiyak ang mga tao dahil sa pag-ibig ay dahil mas nangingibabaw ang kagustuhan natin tumanggap kaysa magbigay. Hindi ba kapag may binigay tayo, kahit papaano ay umaasa tayo na maibabalik ito sa ibang paraan? Hindi ba kapag gumawa tayo ng mabuti at nagpakahirap, umaasa tayo na kahit papaano ay masusuklian ito sa isang paraan na matutuwa tayo? Sabi nga ni Pastor Erwin, kapag ganito ang tingin natin sa pag-ibig, ang tawag dito ay “sense of entitlement”. Nasasaktan tayo kasi hindi natin nakukuha ang gusto natin. Ang totoong pag-ibig ay pagbibigay.

Photo 2Sabi nila, ang hirap daw ipaliwanag kung ano ang pag-ibig. Kapag ganito ang pagtingin natin sa pag-ibig, para narin nating sinabi na ayos lang kung anong matanggap nating pagmamahal kasi depende naman yan sa kung ano ang alam ng nagbibigay. Kapag ganun, mahirap lalong umasa sa totoong pag-ibig kasi hindi mo tiyak kung nandun ka na dahil walang tiyak na batayan. Pwede mong sabihin ngayon na depende sa tao. Kung ako tatanungin mo, gusto ko ‘yung tiyak at totoo.

Magkaiba ang pakahulugan ng mundo at ng langit pagdating sa pagmamahal. May tiyak na depinisyon ang pag-ibig kapag binalikan natin ang teksto sa 1 Corinthians 13:4-7. Ito ang pag-ibig na wagas, totoo at walang hinihinging kapalit.

“Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.” (1 Cor 13:4-7)

Love Series Photo 4Kung susuriing mabuti ang teksto, sinasabi rito na ang pag-ibig ay ‘yung nagbibigay na walang hinihinging kapalit; ‘yung nagsasakripisyo; ‘yung masaktan man ay nagmamahal parin; ‘yung nag-aalay ng sarili para sa iba. Kung ang pagtingin natin sa pag-ibig ay ginhawa at saya para sa ating sarili, patuloy tayong masasaktan dahil hinahanap natin sa iba ang pagmamahal na dapat nagsisimula sa atin…sa kung anong nasa puso natin.

Ayon sa turo ni Pastor Erwin, ang tunay na pag-ibig ay galing kay God. Ang pagmamahal ay dapat nakasentro sa kanya, ang dahilan ay siya, at ang naisin ay siya. Si God ang pag-ibig. Kaya kung may totoong pag-ibig ka sa puso mo, masakit man, mahirap man, nakakalito man, gugustuhin mo parin kasi si God inaasam mo. Hindi na ito tungkol sayo. Hindi na ito tungkol sa mararamdaman mo.

“Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig (God), para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag.” (1 Cor 13:1)

 

Advertisements